Ang ANNUAL BUDGET ay ang legal na dokumentong pampinansyal na patuloy na ginagawa ng Sangguniang Kabataan taun-taon. Ito ang nagsasakatuparan ng nilalaman ng Comprehensive Barangay Youth Development Plan (CBDYP) at Annual Barangay Youth Investment Program (ABYIP) sa pamamagitan ng paglalaan ng detalyadong budget, maging ang pagtatala ng halaga ng pera na inaasahang papasok at lalabas sa pondo. Ito ay inaaprubahan sa isang resolusyon bago magsimula ang panibagong fiscal year at sumasailalim sa budget review o pagdinig ng Sangguniang Panlungsod o Sangguniang Bayan bago ang opisyal na execution.
Paano ba gumawa ng annual budget sa SK?
Ayon sa DBM-DILG-NYC Joint Memorandum Circular (JMC) No. 2025-1, ang Updated Guidelines on the Appropriation, Release, Planning, and Budgeting Process for the SK Funds, may limang (5) phase ang SK Budget Process:
Budget Preparation
Babalangkasin ng SK Chairperson, katulong ang SK Treasurer, ang proposed SK Annual Budget para sa susunod na fiscal year. Isusumite ito ng SK Chairperson sa mga SK Members bago o mismong ika-16 ng Oktubre sa pamamagitan ng isang SK Resolution.
Budget Authorization
Pipirmahan ng SK Chairperson ang SK Resolution matapos aprubahan ng majority ng SK Members. Ipapaskil ito ng SK Secretary sa SKFPD Policy Board sa loob ng limang (5) araw pagkatapos aprubahan at isusumite, kasama ng ibang supporting documents, sa Sangguniang Panlungsod o Sangguniang Bayan sa loob ng sampung (10) araw pagkatapos aprubahan.
Budget Review
I-rereview ng Sangguniang Panlungsod o Sangguniang Bayan ang SK Annual Budget sa loob ng 60 araw pagkatapos matanggap. Batay sa nakalap na findings mula sa mga konsultasyon at pandinig, ang SK Annual Budget ay maaaring ideklara bilang: (a) operative in its entirety; (b) operative in its entirety, subject to conditions; (c ) inoperative in its entirety; (d) inoperative in part. Kapag hindi ito na-review ng Sangguniang Panlungsod o Sangguniang Bayan sa tinakdang panahon, ito ay awtomatikong ituturing bilang aprubado. Ibabalik naman ng Sangguniang Panlungsod o Sangguniang Bayan ang SK Annual Budget kung kulang ang mga kinakailangang dokumento at dapat isumite ito ulit sa loob ng sampung (10) araw pagkatapos ibalik. Kapag hindi ito nasumite ulit, ang SK Annual Budget noong nagdaang fiscal year ang ipatutupad.
Budget Execution
Ang lahat ng SK payments o disbursements ay dapat nakabatay sa inaprubahang SK Annual Budget. Kailangang i-record ang mga ito gamit ang disbursement vouchers, kasama ng ibang supporting documents. Ang halaga ng hindi nagastos na pondo sa dulo ng fiscal year ay babalik sa general fund, ngunit hindi ito maaaring gamitin nang walang kaakibat na SK Resolution.
Budget Accountability
Gagawa ng budget accountability reports ang SK Chairperson, sa tulong ng SK Treasurer at Budget Monitoring Officer (BMO), alinsunod sa COA Circular No. 2020-003. Isusumite ang mga ito ng SK Chairperson sa mga SK Members at sa Sangguniang Barangay at ipapaskil sa SKFPD Policy Board.
Ano ang supplemental budget?
Ang supplemental budget ay ang secondary at optional adjustment sa primary at mandatory na annual budget ng SK. Ito ay ginagawa upang dagdagan ang pondo para sa mga programa, proyekto, at aktibidad o punan ang kakulangan sa annual budget kung may pagbabago o variance sa estimated at actual receipts at expenditures ng konseho. Dadaan sa parehong proseso ng paggawa ng annual budget ang paggawa ng supplemental budget.
Magkano ba ang annual budget ng SK?
Ang annual budget ng SK ay walang fixed amount, ngunit 10% ng kabuuang general fund ng barangay ang nakalaan para sa SK. Kailangang ipaalam ng barangay treasurer sa SK Chairperson at SK Treasurer, sa pamamagitan ng isang kasulatan, ang halaga ng 10% ng general fund ng barangay para sa susunod na fiscal year bago o mismong ika-15 ng Setyembre. Dapat i-release at i-deposit ito ng barangay treasurer sa account ng SK sa loob ng limang (5) araw pagkatapos makuha ang monthly National Tax Allotment (NTA) share ng barangay. Bilang paglilinaw, hindi isahang bagsakan ang pondo ng SK kundi pumapasok ito sa account ng konseho nang proportionate kada buwan.